12

May 4, 2021 @ 16:01
By

Duterte walang naramdamang side effect sa bakuna

Hindi kinakitaan ng ano mang epekto si Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong mabakunahan nitong Lunes.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na matapos mabakunahan ay agad hinarap ng Presidente ang mga nakalinyang pulong sa kanyang gabinete.

“Wala naman problema. In terms of adverse reaction, wala po akong nakitang adverse reaction kasi matapos siyang magpabakuna eh pumunta siya kaagad sa pagpupulong namin,’ ani Roque.

Bago aniya ang pulong sa Inter-Agency Task Force ay nagkaroon muna ng pribadong pulong si Pangulong Duterte sa kanila kasama si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

“Nagkaroon kami ng pribadong pagpupulong kasama si Secretary Lorenzana mahigit kumulang isang oras yun pagkatapos niyang nagpabakuna. At pagkatapos nito ay nagpunta ang Presidente sa meeting ng IATF na tumagal ng almost two hours din,” dagdag ni Roque.

Sinabi naman ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na minomonitor nila ang Pangulo at wala naman aniyang nakitang epekto sa itinurok na bakuna sa kanya.

“So far so good, mino-monitor namin si Pangulo nasa mabuti naman siyang kalagayan. Sabi nga niya matagal na niyang hinihintay na mabakunahan,” ani Nograles.

Umaasa ang kalihim na sana ay sumunod na ring magpabakuna ang mga senior citizen na kagaya ng Pangulo para masiguro ang kanilang kaligtasan laban sa panganib ng COVID-19.

“Sana nga po ay magandang halimbawa yan sa mga senior citizen natin, lumakas ang loob. Sa mga nagdadalawang-isip na senior citizen, huwag na po taong mag-atubili pa dahil si Pangulong Duterte ay nagpabakuna na, sana sumunod na rin po kayo,” dagdag ni Nograles.

Ang ikalawang bakuna ng Pangulo ay ibibigay makalipas ang isang buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?