17

Feb 25, 2021 @ 9:33
By

Duterte undecided pa sa VFA, papasaklolo sa madla

Nais munang malaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pulso ng publiko sa isyu ng Visiting Forces Agreement (VFA) bago magdesisyon kung babawiin o palalawigin ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng Estados Unidos.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, sinabi ng Pangulo na wala siyang itatago sa mga tao kaya kukunin niya ang opinyon ng publiko hinggil sa isyu.

“I have not yet as yet decided on what to do. Meaning to say, to abrogate or renew because I want to hear the people. I want narratives to come up,” anang Pangulo.

Kahit sino aniyang mamamayan ay maaaring magbigay ng pananaw o opinyon patungkol sa VFA at maaari itong i-text sa Citizens’ Complaint Hotline 8888, baka sakaling matulungang magdesisyon ang gobyerno.

“Ang ordinaryong mamamayan can have the say, and I said, there is always the 8888 and you can enter your objections or any comment that you think would help the country,” dagdag ng Pangulo.

Ang VFA ay kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kung saan pinapayagan ang joint military training sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at mga sundalong Amerikano.

Matatandaang ipinag-utos ng Pangulo ang pag-terminate sa kasunduan noong Pebrero 2020 dahil sa pakikialam ng ilang Amerikanong mambabatas sa kaso ni senadora Leila De Lima, kasabay ang pagbawi sa visa ng mga opisyal na may kinalaman sa pag-aresto sa senadora.

Makalipas ang apat na buwan ay sinsupinde ni Duterte ang VFA at nitong Pebrero 2021 ay sinabi nito na dapat magbayad ang mga Amerikano kung nais nilang magpatuloy ang VFA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?