55

Dec 22, 2017 @ 19:48
By

Duterte tutok na sa mga biktima ng bagyong Vinta sa Davao

Nakatutok si Pangulong Rodrigo Duterte sa relief and disaster preparedness sa Davao para maalalayan ang mga biktima ng bagyong Vinta.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na hands on ang Pangulo sa pag-asikaso sa mga residenteng naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.

Ang bayan ng Cateel sa Davao Oriental ang unang sinagasa ng bagyong Vinta alas-dos ng madaling-araw at nagdulot ng matinding pagbaha gayundin sa ilang lugar sa Mindanao.

“Well, nandiyan po sa Davao ngayon ang Pangulo at siya mismo ang namumuno ‘no sa relief and disaster preparedness ‘no. So huwag po kayong mag-alala, kung dati sagot na kayo ng Pangulo habang siya’y nasa Mindanao, ngayon po nandoon siya mismo sa eye of the storm. Sagot tayo ng Presidente diyan,” ang pahayag ni Roque.

Naunang inihayag ng Pangulo na nagdadasal siya na sana ay huwag dumaan ang malakas na hangin ng bagyong Vinta sa Davao City dahil hindi matibay sa malakas na hangin ang mga bahay dito.

Bihira aniyang daanan ng bagyo ang lungsod at ibang bahagi ng mindanao kaya tiyak na marami ang maaapektuhan sa pananalasa ng bagyong Vinta. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?