85

Oct 21, 2017 @ 19:09

Duterte: Tugade, walang panahong mangurakot

Pinawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga haka-haka na posibleng isunod na sibakin si Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade.

Sa kanyang talumpati sa Cagayan de Oro City noong Biyernes, sinabi ng Pangulo na may mga alegasyon ng korapsiyon laban kay Tugade subalit naniniwala siyang wala itong panahon para mangurakot.

Ayon sa Presidente, si Tugade ay bilyonaryo at hindi na nito alam kung paano bilangin ang kanyang salapi kaya’t hindi siya kumbinsido sa mga ipinaparating na sumbong sa kanya laban sa kalihim.

“The Transportation Secretary Arthur Tugade, ‘yan sabi ko na bright. He’s a billionaire. Kaya ‘yung mga allegations na nagpunta doon, na corrupt. Sabi ko, he does not have time for that. He does not even know how to count his money. Totoo. And to think that he was, well of course, an important pillar noon sa Delgado shipping,” ang pahayag ng Pangulo.

Matatandaang naging sunud-sunod ang pagsibak ni Pangulong Duterte sa mga opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y korapsiyon at kahit alegasyon pa lamang ay hindi niya ito pinapalampas.

Ang isyu ng korapsiyon ang isa sa palaging laman ng talumpati ng Presidente kasabay ang babala sa mga taga-gobyerno na huwag siyang subukan dahil wawalisin niya ang mga ito. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?