119

Apr 10, 2021 @ 19:13
By

Duterte tinitimbang kung mananatili o hindi ECQ sa NCR Plus

Binabalanse pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon bago pagpasyahan kung palalawigin o hindi ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng ginawang pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) nitong Sabado.

Ang ECQ sa NCR Plus bubble ay nakatakdang magtapos sa Linggo, Abril 11, 2021.

“President Duterte is still weighing the pros and cons before making his final decision regarding the quarantine classification of the National Capital Region Plus area,” ani Roque.

Nais aniya ni Pangulong Duterte na mapag-aralan at ma-check ang mga mahahalagang impormasyon sa kasalukuyang sitwasyon partikular ang health care utilization rate sa NCR at sa apat na lalawigan.

Nananatili pa ring mataas ang COVID case sa nabanggit na mga lugar sa kabila ng dalawang linggong lockdown para mapigilan ang pagkalat pa ng virus at puno ang mga ospital sa Metro Manila dahil sa dami ng mga tinamaan ng COVID-19.

“The Chief Executive would like to review and check pertinent information such as the Health Care Utilization Rate of the aforesaid area,” dagdag ni Roque.

Tiniyak naman ng kalihim na iaanunsiyo nito ang magiging pinal na desisyon dito ni Pangulong Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?