176

Mar 6, 2021 @ 15:01

Duterte tinawag na basura prangkisa ng ABS-CBN

Matigas ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Sa kanyang talumpati sa isang aktibidad sa Cagayan de Oro City noong Biyernes, tinawag ng Pangulo na “piece of garbage” ang hinihiling na prangkisa ng TV network.

Wala aniyang dahilan para bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN dahil sa panggugulang sa gobyerno.

Sinabi ng Pangulo na walang kuwestiyon sa hatid na aliw sa publiko at mga bata ng ABS-CBN subalit hindi niya masikmura ang tila panloloko sa Development Bank of the Philippines (DBP).

“ABS-CBN has entertained people and made children happy and I have no problem with that. Now they don’t have a contract so they’re negotiating, but don’t give me a piece of garbage, s*n of a b*tch! That’s how they are,” anang Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya nagustuhan ang ginawang pagbebenta ng assets ng ABS-CBN sa DBP sa mataas na presyo, subalit nang gumaganda na ang negosyo ay muling binili ang kanilang ibinentang assets sa DBP sa mas mababang presyo, at muling ibinenta sa iba sa mas mataas na presyo.

Dito aniya napikon ang Presidente kaya ganoon na lamang ang galit nito sa mga may-ari ng nabanggit na TV network.

“They sold all their assets to DBP, all of it. Lock, stock and barrel. They resumed business and when their business was doing well, they bought back their assets at a cheap price and sold it for a higher price. I said s*n of a b*tch, I’ll shut you down,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang nagsara ang operasyon ng ABS-CBN noong May 5, 2020 matapos mapaso ang kanilang prangkisa at nag-isyu ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?