507

Sep 21, 2021 @ 16:59
By

Duterte tinanong si Panelo kung kailan siya makukulong

Personal na tinanong ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo kung dapat na ba itong maghanda sa pagpasok sa kulungan kaugnay sa reklamong inihain laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang Talk to the People, nabanggit ang ICC matapos magreport si Presidential Spokesman Harry Roque sa kanyang naging biyahe sa Amerika kaugnay sa kanyang nominasyon para maging miyembro ng International Law Commission.

Matatandaang nagbigay ng permiso ang ICC para mag-imbestiga sa umano’y extra judicial killings sa bansa na ang idinidiin ay ang Presidente at mga dating opisyal ng Philippine National Police.

“Ang Presidential Legal Counsel ko, gusto kong linawin niya kung kailan ako papasok sa kulungan para makapagbalot ako ng damit at kaunting mga sitsirya habang tumatanda ako sa preso,” anang Pangulo.

Pero tiniyak naman ni Panelo sa Presidente na hindi mangyayari ito dahil walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

“Hindi po mangyayari yun. Eh gaya nga ng sinabi ninyo, wala naman jurisdiction ang ICC sa marami ng paliwanag natin kaya palagay ko hindi na natin bibigyan pa ng dagdag,” ani Panelo.

Matatandaang sinampahan ng kaso sa ICC ang Presidente at ilang mga dating opisyal ng Philippine National Police ng crime against humanity dahil sa umano’y maramihang pagpatay matapos ilunsad ang war on drugs sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?