115

Oct 18, 2017 @ 3:00

Duterte tinabla ang Piston, bulok na jeep out na sa Enero 2018

Sinupalpal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang grupong PISTON, o Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide sa kanilang pagtutol sa modernization program ng mga pampublikong sasakyan sa bansa.

Sa kanyang talumpati kahapon sa Federalism Summit sa Pili, Camarines Sur, sinabi ng Pangulo na mayroong hanggang katapusan ng taon ang PISTON para imodernisa ang kanilang mga pampublikong sasakyan.

Pagdating aniya ng January 1, 2018 ay dapat wala ng makitang mga bulok at karag-karag na mga pampublikong sasakyan sa mga pangunahing lansangan dahil ipapahatak niya ang mga ito.

Sinabi pa ng Pangulo na wala siyang pakialam kahit gawing madalas ang tigil -pasada ng Piston o kahit gawing isang buwan dahil hindi na mababago ang kanyang desisyon para sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

“I give you (PISTON) until the end of the year, sumunod kayo because pagdating ng January 1, pag makita ko walang rehistro at mga luma pa rin mga yan, susuyurin ko yan!,” ang galit na pahayag ng pangulo.

Binanatan din ng Presidente ang tigil-pasada dahil sinakyan ito ng iba’t ibang grupo tulad ng Kilusang Mayo Uno, Karapatan at iba pa para palakihin ang isyu.

Ayon sa Pangulo, ang mga nabanggit na grupo ay galamay ng kilusang komunista at ginamit ang isyu ng tigil-pasada para sa isang malaking “conspiracy”.

Katunayan, ayon pa kay Pangulong Duterte, lahat ng grupong sumama sa tigil-pasada ay maaaring maharap sa rebelyon.

“PISTON and the rest of the left sinakyan nila, they make it a big deal. Karapatan, KMU, PISTON, they are the legal fronts of the communist party of the Philippines, its a big conspiracy. All of them are committing right now rebellion, its a one big conspiracy,” anang Pangulo.

Aminado ang Punong Ehekutibo na nakatulong sa kanyang boto ang makakaliwa subalit mayroong panahon ng pagkakaibigan at panahon para sa tamang katwiran at mas matimbang aniya na isa-alang alang ang kapakanan ng nakararaming Pilipino. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?