121

Mar 3, 2020 @ 21:02
By

Duterte: Susunod na Presidente dapat marunong pumatay

Wala pang nakikita si Pangulong Rodrigo Duterte na mga politikong maaaring maging susunod na Presidente.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga bagong opisyal sa gobyerno na ginanap sa Malacañang.

Ayon sa Pangulo, may mga katangiang dapat taglayin ang isang Presidente para ipagtanggol at pangalagaan ang seguridad at kapakanan ng mga Pilipino.

“Wala pa akong nakitang new crop of politicians dito sa ating bayan. Frankly wala akong nakita. Wala akong nakita na puwede talagang maging Presidente,” anang Pangulo.

Kapag aniya mahina ang loob ng isang lider ay walang mangyayari sa bansa at magiging kawawa lamang ang publiko laban sa mga salot na sumisira sa mga kabataan at lipunan.

Partikular na tinukoy ni Pangulong Duterte ang problema sa iligal na droga na sumisira sa buhay ng mga Pilipino.

“Alam mo sa totoo lang, Presidente ka hindi ka marunong pumatay at takot kang mamatay, ay huwag ka na mag-Presidente. Walang mangyayari sa’yo, walang mangyayari sa bayan. Kung puro utos ka lang, in the end ikaw pa ‘yung kontrabida. Ikaw na ‘yung gumawa, para ikaw talaga ‘yung bida,” dagdag pa ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na mahalagang maprotektahan ang susunod na henerasyon laban sa masamang epekto ng iligal na droga kaya hindi aniya ito matitinag sa kanyang war on drugs kahit pa idemanda at ipakulong ito ng kanyang mga kalaban.

“I’m scared for the next generation. Yung mga apo natin, ‘yan ang pinoprotektahan ko. I’m trying to protect the generation of the Filipinos especially ‘yung next batch, itong mga anak natin,” wika pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?