24

Jul 14, 2020 @ 13:17
By

Duterte sinabihan uli si Mayor Sara: Huwag ka mag-presidente!

Muling inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtutol sa posibilidad na sundan ng anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ang kanyang yapak bilang susunod na presidente ng bansa.

Sa kanyang talumpati sa mga binisitang sundalo sa Jolo, Sulu nitong Lunes ng hapon, sinabi ng Pangulo na walang mapapala si Mayor Sara sa pagiging Presidente kundi pagod lang.

Kung paiiralin lang ang ambisyon aniya na maging Presidente, mas mabuting kalimutan na lamang ito dahil wala itong makukuha kundi puro pagod lang.

“Sinabi ko kay Inday, ‘Wag kang mag-Presidente unless you see something na kaya mo para gawain mo sa bayan. Pero if just a matter of ambition, lay off’,” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na mas malaki pa aniya ang suweldo ng mga heneral kaysa sa Presidente kaya wala aniya itong makukuha, maliban na lamang kung kung gusto nitong magkapera.

“Suweldo mo P194,000. Ang ibang generals dito mas malaki pa sa suweldo ko. Wala kang makuha unless gusto mong mamera, ah kaya. Pero kung sabihin mo magtrabaho ka lang Presidente? Susmaryosep!,” dagdag ng Pangulo.

Gayunman, sinabi ng Presidente na kung udyok ng pagiging makabayan ang magtutulak kay Mayor Sara para sumabak sa 2022 , sa tingin nito ay may magagawa ang alkalde para sa bayan.

“Unless you are driven by patriotism. O yan, kung gusto mo talaga mag-service sa bayan mo. Kaya sabi ko sa kanya in English, they say ‘If you cannot stand the heat in the kitchen, get out’,” wika pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?