216

Oct 21, 2017 @ 15:45

Duterte sa staff ng CebuPac: ‘Wag ninyong sagutin si Baste

Inireto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang bunsong anak na si Sebastian ‘Baste’ Duterte sa mga magagandang staff ng Cebu Pacific sa Cagayan de Oro City.

Sa kanyang talumpati sa launching ng Cebu Pacific Cagayan de Oro Hub noong Biyernes, nagbiro ang Presidente na kaya pala wala na siyang makitang magagandang babae dahil nagtatrabaho na lahat sa kumpanya ni Lance Gokongwei, ang may-ari ng Cebu Pacific.

Nasa “joking mood” ang Pangulo at sinabi sa mga babaeng staff na kapag nakita at natipuhan sila ng kanyang anak na si Baste, huwag aniyang sagutin agad ito.

Hayaan aniyang ligawan sila ni Baste at pabalik-balikin sa Cagayan de Oro City para kumita ang kumpanya ng Cebu Pacific.

“Meron akong anak. Ito… Baka magalit ‘yung nanay. Ito walang ginawa ‘to. Ayaw magtrabaho. Gusto lang lumigaw ng babae nang lumigaw. Hindi ko na sabihin kung ilang anak niya. Basta ito gusto rin niya. Papuntahin ko dito.

Baka may maligawan ang… maganda. ‘Wag ninyong sagutin at tiisin ninyo ‘yung buang, pabalik-balikin niyo dito para kumita ‘yung Cebu Pacific,” ang pabirong pahayag ng Pangulo.

Matatandaang naging bahagi ng mga talumpati si Baste ni Pangulong Duterte noong mga panahong hindi ito umuuwi sa Davao City dahil laging kasama ang starlet na si Ellen Adarna at kapag pinapatawagan sa kanyang aide ay nagpapatay umano ng telepono ang binata.

Si Pangulong Duterte rin ang nagkumpirma sa relasyon noon ng kanyang anak kay Adarna na batay pa sa deskripsiyon nito’y “ibong adarna”. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?