50

Aug 21, 2021 @ 13:12
By

Duterte sa panawagang sibakin si Duque: Ano ba nagawa niyang kasamaan?

Tinabla ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga panawagan na sibakin nito si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III matapos ang inilabas na report ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa discrepancy sa paggamit ng pondo para sa COVID pandemic.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na wala siyang nakikitang dahilan para sibakin ang kalihim.

“They want me to fire Duque. Gusto mo paalisin ko, give me a reason bakit ko paalisin. Eh kinuha ko yung tao, hindi naman yan nag-apply, ako ang kumuha. So kung ano pagkakamali niya, sa akin yan. Pero ang nakita ko, you have to oust him, for what?” anang Pangulo.

Ilan mga senador at kongresista ang nagmungkahi na sibakin na ang kalihim dahil sa kontrobersiya mula sa inilabas na report ng COA.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na hindi niya ipinagtatanggol ang mga opisyal ng DOH dahil ang inaakusang isyu sa pondo ay hawak ng Department of Budget and Management at hindi mismo ni Duque.

“I am not defending DOH, trabaho nila yan and we are governed by the rules. I’m not defending because they are not being accused of anything. I’m just sharing my opinion. Ano ba ang nagawa niyang kasamaan? May dalawa asawa? Wala tayong pakialam niyan. Dagdagan mo pa ng isang secretary para tatlo,” dagdag ni Pangulong Duterte.

Gustuhin man aniya ni Duque na gastusin lahat ang pondo ng isang araw ay hindi ito magagawa dahil kulang ang manpower ng ahensiya dahil sa pandemya.

Pinayuhan ni Pangulong Duterte ang COA na kapag na-interview batay sa kanilang audit report ay agad linawin na walang naibulsa o kinurakot lalo na kung hindi pa naman naibibigay ang panig ng ahensiya.

“Alam ko walang malisya, you are just doing your duty, but in making the report, kindly reconfigure everything and sabihin at the first instance lang ma-interview ka, sabihin mo kaagad there is no corruption here because there is no money involved. Hindi na-utilize,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?