81

Oct 28, 2017 @ 12:23

Duterte sa pag-appoint kay Roque: Parehong malikot ang bunganga namin

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa dahilan ng kagustuhan niyang italaga si Atty. Harry Roque bilang kanyang tagapagsalita ay ang pagiging prangka ng huli.

Ito’y matapos ianunsiyo ng Pangulo ang pagtalaga kay Roque sa kanyang birthday party noong Biyernes ng gabi na ginawa sa Davao City.

Ayon sa Pangulo, angkop si Roque na maging tagapagsalita ng Palasyo dahil pareho silang prangkang magsalita.

“Hindi na congressman, secretary na siya. To get the message clear, sabi ko Harry will fit the –kasi medyo malikot ang bunganga namin,” ang pahayag ng Pangulo.

Nauna nang napaulat na mabibigyan ng puwesto sa Malacañang si Roque at posibleng isa kina Ernesto Abella at Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ang papalitan nito.

Sinabi pa ng Pangulo na ang gusto niyang presidential spokesman ay articulate at may malawak na kaalaman sa gobyerno.

“I want somebody who is articulate, somebody who has a working knowledge of at least the government. We do not expect him to be a lawyer like Tatad noon. But somebody who can explain to the public what is on the mind of the President and articulate him before the public,” ang dagdag pa ng Presidente.

Sa regular press briefing sa Malacañang noong Biyernes, hindi na sumipot si Abella at sa halip ay ang kanyang assistant ang pumalit at idinahilang may importanteng bagay na aasikasuhin si Abella.

Inihayag din na hindi na sasama si Abella sa biyahe ng Pangulo sa Japan, kung saan isa siya sa bahagi ng delegasyon. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?