58

Jan 21, 2020 @ 20:00
By

Duterte sa mga retiradong miyembro ng PMA: Bantayan ang inyong hanay

Binilinan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga retiradong miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) na bantayan ang kanilang hanay.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa annual general membership meeting ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAAI) sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City nitong Martes ng gabi.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na mahalagang mapanatili ang natutunan sa loob ng akademiya, partikular ang honor, discipline, competence at loyalty na naging tatak ng mga nagtapos sa PMA.

Isang pagkakamali lamang aniya ng kahit isang miyembro ay wasak na ang imahe at reputasyon ng bawat PMAer kasama na ang institusyong pinagmulan.

“One scalawag among you can destroy or dent the image and reputation of every PMAer, your Alma Mater and your association included. It takes only one fly to spoil a feast. It takes only one scandal to ruin your avowed moral and ethical standards,” anang Pangulo.

Mahalaga aniyang mabantayan ang hanay ng produkto ng PMA dahil marami ang magagawa ng mga ito para tulungan ang bansa kahit pa nagretiro sa serbisyo.

“Make use of your moral ascendancy. Police your own ranks. You owe it to the academy that nourished you. Indeed there is much you can do to help this country,” dagdag pa ng Pangulo.

Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na maraming PMAer ang ngayon ay humahawak ng mga puwesto sa iba’t ibang sangay ng gobyerno pati na sa pribadong sektor kaya dapat na ipagmalaki ito ng mga kapwa “mistah”.

Gayunman, dapat din aniyang mag-ingat dahil kapag sumobra ang bilib sa sarili ng isang MPAer, maaari itong mauwi sa pagiging arogante at pagiging abusado.

“You see PMAers holding fort in local government units, in both houses of Congress, in numerous departments and agencies of the executive branch of government. They are everywhere. But there is also reason to fear and a cause to forebode. That pride, if uncontrolled, can easily degenerate into arrogance. And from there, the path to abuse opens,” wika pa ng Pangulo.

Ito aniya ang dapat na bantayan ng Alumni Association at huwag hayaang mangyari kaya’t umaasa itong gagawa ng mga hakbang ang PMAAAI para mapawi ang anumang pag-aalala ng publiko at ng bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?