55

Apr 17, 2020 @ 14:23
By

Duterte sa mga punerarya: ‘Wag manamantala sa bayad sa cremation!

Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga may-ari ng punerarya na huwag samantalahin ang sitwasyon sa coronavirus disease 2019 para magtaas ng presyo sa cremation.

Sa kanyang mensahe sa bayan, nakiusap ang Pangulo sa mga nasa negosyo ng punerarya na sana ay panatilihin ang presyo ng cremation noong wala pa ang COVID pandemic dahil doble dagok na ang hirap na ang pinapasan ng mga namatayan.

Kumikita naman aniya ang mga ito kahit sinusunog ang katawan ng mga namamatay sa COVID.

“Ito namang mga may-ari ng crematorium, may I ask you to maintain yung presyo ng cremation before and ante-quarantine. Iyong presyo na wala tayong problema, iyon ang ibigay nyo. Nakikiusap ako ” anang Pangulo.

Kung sakali aniyang may mga punerarya na hindi susunod at mataas pa ring maningil ng cremation fee, iuutos niyang iwanan ang mga patay sa mga funeral parlor.

“So kung taasan nyo yung presyo, tapos may magsumbong sa akin, sasabihin ko iiwan yung patay sa inyo. Iiwan yan sa hagdanan nila. Bahala na sila niyan,” dagdag ng Pangulo.

Batay sa direktiba ng Department of Health , lahat ng mga pasyenteng namatay sa COVID-19 ay agad na i-cremate at hindi papayagang iburol at paglamayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?