1,120

By

Duterte sa mga pulis: Naninigarilyo hulihin niyo!

Dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte sa mahinang resulta ng ipinatupad na smoking ban sa mga pampublikong lugar.

Sinabi ng Pangulo na halos walang pagbabago dahil kahit mga murang edad ay humahawak ng sigarilyo.

Patunay aniya na marami pa rin ang malakas manigarilyo.

Kahit aniya tinaasan na ang buwis sa sigarilyo at alak ay malaki pa rin ang kita ng gobyerno mula sa buwis.

“Kita mo ngayon ‘yang new generation, pati mga batang babae naninigarilyo. There is no improvement. Nakikita namin sa sin taxes, taasan mo na ang buwis, ang kita malakas pa rin pati ‘yung koleksiyon ng gobyerno,” anang Pangulo.

Matatandaang naglabas ng direktiba ang Presidente mahigit dalawang taon na ang nakaraan na nagbabawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Gayunman, tila walang ngipin ang mga awtoridad sa implentasyon dahil marami pa rin ang naninigarilyo sa loob ng jeep, restaurant, palengke at maging sa kalsada.

Dahil dito kinalampag ng Pangulo ang mga pulis na hulihin ang mga makikitang naninigarilyo sa pampublikong lugar.

“Kayong mga pulis paghulihin niyo ang mga tambay na naka-kamiseta lang na naninigarilyo. Ang papangit, ang babaho pa!” dagdag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na walang mahihita sa paninigarilyo kundi emphysema o kaya ay cancer na magiging daan ng maagang kamatayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?