702

By

Duterte sa mga OFW sa Kuwait: Umuwi na kayo!

Pinapauwi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga overseas filipino workers sa Kuwait sa harap ng gusot na kinakaharap ng mga embassy officials sa nabanggit na bansa matapos i-rescue ang mga distressed overseas filipino workers.

Sa kanyang talumpati sa filipino community sa Singapore, umapela ang Pangulo sa mga mangagawang nasa Kuwait na umuwi na lamang at magtulungan para sa pagsulong ng bansa.

Sinabi ng Pangulo na huwag mag-alala dahil may pondong gagamitin para makauwi na lahat ang mga mangaggawang pinoy sa Kuwait.

May ibinigay aniya ang China na mahigit P4 billion sa gobyerno na gagamitin sana sa ibang proyekto subalit gagamitin na muna ito para sa lahat ng ofw na gustong umuwi sa Pilipinas.

Nakiusap ang Pangulo sa gobyerno ng Kuwait na huwag saktan ang mga ofw at tratuhin ang mga ito bilang tao.

“Kayong mga andiyan lahat sa Kuwait, for those who are not really household helpers, I now appeal to your sense of patriotism, come home tutal marami ng trabaho sa Pilipinas. Yung pera na yan gagastusin ko na lang para kunin ko ang lahat ng gustong umuwi.Just do not hurt them, I plead that they be given the treatment deserving of the human being,”anang Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na saka na lamang sila mag-usap ng Kuwaiti government sa sandaling makuha na lahat ang mga ofws sa nabanggit na bansa.

“Maya na lang tayo mag-usap kung makuha ko na lahat. At this time I am not in a position to…wala muna ako,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa kabila ng tumamlay na relasyon ng dalawang bansa, ipinaabot pa rin ni Pangulong Duterte ang pasasalamat sa Kuwait sa tulong sa mga pilipino at wala aniya itong galit sa Kuwaiti government.

“I address myself to the Kuwait government and the people, salamat sa pagtulong ninyo sa mga kababayan ko all these years. It’s a debt of gratitude na after all nakatulong man din kayo. Wala akong galit, walang hatred, wala lahat,”ang pahayag pa ng Presidente.

Sinabi pa ng Pangulo na kung pabigat na sa mga Kuwaiti ang mga ofws, nagpasalamat pa rin ang gobyerno sa kanila kahit pa may mga ulat na sinasaktan ang ilan sa mga pinoy.

Bilang Pangulo ng bansa, sinabi ng Pangulo na obligasyon nito na kumilos para maproteksiyunan ang mga ofws na sinasaktan at minamaltrato ng mga Kuwaiti employer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?