107

Aug 3, 2020 @ 9:24
By

Duterte sa mga health worker: Gusto n’yo rebolusyon? Ngayon na!

Hindi natuwa si Presidente Rodrigo Duterte na isinapubliko ng mga healthcare worker ang kanilang pagod at hinaing hinggil sa pakikipaglaban sa pandemyang COVID-19.

Dapat aniyang nagsulat na lang ng liham ang mga ito sa pambansang gobyerno, at kung magbanta man tungkol sa pagsasagawa ng rebolusyon ay totohanin at simulan na.

Ito, matapos manawagan ng mga medical frontliner na isailalim ang Metro Manila sa mahigpit na lockdown na magsisilbing timeout para muli silang makapagsilbi sa mga nahawa sa COVID-19 sa bansa, na patuloy na dumarami at lumampas na sa 100,000 kaso.

“Do not try to demean government. You’re not actually criticizing. You demean my government, your own government,” wika ni Duterte sa isang taped speech, Linggo.

“At saka takutin ng rebolusyon. Bayan man natin ito. Gusto ninyo sirain natin? Start it now,” dagdag niya.

Kinilala ni Duterte na pagod na ang mga health worker, at sinisi ang kawalang-pondo kaya hindi nila matugunan ang hiling ng mga frontliner.

“There is no need for you — 1,000 of you — telling us what to do publicly. You could have just written us a letter. Lahat naman ng sinasabi ninyo, sinusunod namin,” ayon sa Pangulo.

“You know, it’s the resources, ang pera. May gusto kayong bilhin ko. Ang problema, ang bulsa ko, butas na ‘yung isa dahil we have suffered economically. But to go almost on an outrage–parang galit at magrebolusyon-rebolusyon, huwag naman ganun. Kasi alam ninyo, nagtatrabaho kami lahat. Kung ‘yan lang ang makaya ng pera namin, natin, edi hanggang dyan lang tayo.”

“You can just ask for an audience. Pero huwag kayong magsigaw-sigaw, rebolusyon. Alam n’yo, hindi n’yo ako kilala talaga: magsabi ka rebolusyon, then, ngayon na. Go ahead,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?