87

Jun 16, 2020 @ 14:43
By

Duterte sa lalabas ng bahay: ‘Pag nahawa sa COVID, walang sisihan ha!

Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang madla na sumunod sa pinaiiral na safety protocol para matiyak ang kaligtasan habang nilalabanan ng bansa ang COVID-19 crisis.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na batid niyang hindi niya mapipigil ang mga mamamayang nais lumabas kahit may banta pa ng virus.

Hindi dapat payagan ang mga anak na lumabas ng bahay dahil masyado aniyang mapanganib kapag ang mga ito ay tinamaan ng COVID-19.

Kaya naman, kapag nagkasakit ang mga ito ay hindi aniya dapat sisihin ang gobyerno dahil hindi umano sila nagkulang sa paalala.

“Hindi ko kayo mapigilan na lumabas. Hindi ko kayo mahuli lahat. Ang problema niyan, pati mga bata, kung samahin n’yo or you allow your children to go out when the place is not yet ready for them to be outside at nagkasakit, huwag n’yo kaming sisihin,” wika ni Duterte.

Hindi aniya nagkulang ang gobyerno, partikular ang Department of Health (DOH), sa pagpapalabas ng mga babala pati na ang posibleng maaaring mangyari kapag hindi sumunod sa mga dapat gawin para maging ligtas sa COVID-19.

“Do not forget that we warned you about the grave consequences. Ngayon, kung lumabas talaga kayo, you run the risk of getting infected [kaya] huwag n’yo kaming sisihin,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang nanawagan si ACT-CIS partylist representative Niña Taduran sa Inter-Agency Task Force na payagang lumabas ang mga bata para makapagpaaraw at makapag-ehersisyo.

Para aniya ito mabawasan ang nararanasang “cabin fever” o pagkabagot dahil sa mahigit tatlong-buwang home quarantine.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?