17

Nov 18, 2021 @ 14:38
By

Duterte sa Japan: ‘A friend closer than a brother’ ng Pilipinas

Inihalintulad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansang Japan sa higit pa sa kapatid dahil sa matibay na relasyon ng Pilipinas at nabanggit na bansa.

Bukod sa pagiging bilateral partner, sinabi ng Pangulo na hindi matawaran ang ibinibigay na tulong at suporta ng Japan sa Pilipinas lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Nagkaroon ng pagkakataong mag-usap sina Pangulong Duterte at Japanese Prime Minister Fumio Kishida nitong Miyerkoles at muling pinaigting ang ugnayan ng dalawang bansa para magkatuwang na harapin ang mga pagsubok sa kapayapaan at seguridad, infrastructure development at ang hamon na hatid ng coronavirus pandemic.

“Japan has shown that it is indeed a friend closer than a brother through its timely assistance in the Philippines’ COVID-19 pandemic response and recovery efforts,” anang Pangulo.

Kabilang ang Japan sa mga bansang nagpadala ng donasyon ng COVID vaccines para magamit sa vaccination rollout ng gobyerno.

Sinabi ng Pangulo na umaasa siya sa mga mas matagumpay pang implementasyon ng mga proyekto at aktibidad ng Japan sa Pilipinas lalo na sa mas pagpapaigting pa sa Philippine-Japan cooperation sa maritime security, maritime connectivity at pangangalaga sa marine environment.

Binati rin ni Pangulong Duterte si Kishida sa tagumpay ng kanyang eleksyon at sa matagumpay na Tokyo Olympics at Paralympic Games. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?