154

Dec 22, 2017 @ 13:24

Duterte, sa Davao magpa-Pasko kasama ang pamilya

Ipagdidiwang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pasko kasama ang kanyang pamilya sa bahay nito sa Davao.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang Pangulo kagaya ng iba pang Pinoy ay inaasahan nang magseselebra ng Pasko kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa hometown nito na Davao City.

“Like all Filipinos, he will be with his family and loved ones. He will be in Davao because first of all, his fellow Davaoeños have been used to visit him. He has so many visitors,” ani Roque.

Dagdag pa ni Roque, bibisitahin ni Pangulong Duterte ang mga pasyenteng may cancer sa mga ospital sa naturang lugar na regular na niyang ginagawa tuwing Pasko.

Pagkatapos ng Pasko ay bibiyahe ang Presidente sa Marawi City para pangunahan ang pamamahagi ng mahigit 500 transitional shelters sa unang batch ng mga bakwit na nawalan ng tirahan sa nagdaang bakbakan sa siyudad.

“Iyan po ang pagkakaalam ko, sa Davao po magpa-Pasko. At meron din po siyang trip sa Marawi para i-turnover iyong mga bahay para sa mga bakwit,” ang pahayag ni Roque.

Inaasahang babalik ng Metro Manila ang Pangulo para naman dumalo sa Rizal Day celebration sa Disyembre 30. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?