73

Nov 22, 2021 @ 15:03
By

Duterte sa China: Respetuhin rule of law sa WPS

Ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginaganap na ASEAN- China Special Summit ang matinding pagkadismaya sa ginawa ng Chinese Coast Guard sa puwersa ng gobyerno matapos harangin at gamitan ng water cannon ang mga ito habang papunta sa Ayungin Shoal.

Sa kanyang talumpati sa pamamagitan ng video-teleconference, sinabi ng Pangulo na hindi malulutas sa paggamit ng dahas ang isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, bagkus ay dapat daanin ito sa mapayapang paraan ng naaayon sa international law.

“We abhor the recent event in the Ayungin Shoal and view with grave concern other similar developments. This does not speak well of the relations between our nations and our partnership,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo sa ASEAN-China Special Summit na malinaw ang legalidad sa 2016 Arbitral Award pabor sa Pilipinas kaya dapat na sundin ito para manatili ang kaayusan sa South China Sea.

“There is simply no other way out of this colossal problem but the rule of law,” dagdag ng Pangulo.

Kasama sa pagdalo sa virtual summit sina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez, Presidential Assistant on Foreign Affairs Robert Borje at ilan pang opisyal ng gobyerno.

Matatandaang nagprotesta na si Secretary Locsin sa naging aksyon ng Chinese Coast Guard at iginiit na ang Ayungin Shoal ay teritoryo ng Pilipinas at hindi ng China. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?