11

Oct 15, 2020 @ 18:06
By

Duterte: Russia magtatayo ng planta ng gamot sa ‘Pinas

Interesado ang Russia na magtayo ng planta ng gamot sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mensahe sa bayan matapos makausap sa Malacañang si outgoing Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev sa ginawang farewell call nitong Miyerkoles.

Ayon sa Pangulo, nagkaroon sila ng seryosong pag-uusap ng Russian Ambassador at ipinaalam na interesado ang kanyang bansa na magtayo ng pharmaceutical company sa Pilipinas.

“I just had a talk with the Ambassador of Russia, the outgoing and we had a serious one-on-one talk and they said that Russia is coming in. They would want to establish here, gagawa sila ng planta. Pharmaceutical lang naman,” anang Pangulo.

Kapag natuloy ang plano, mangangahulugan ito ng dagdag na investment o pamumuhunan sa bansa at trabaho para sa Pilipino.

Tiniyak din ni Pangulong Duterte na papasok ang bakuna ng Russia para sa COVID-19 at inaasahang isa ang Pilipinas sa unang makikinabang.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na malaking bentahe sa bansa kapag natuloy ang pagtatayo ng pharmaceutical facility ng Russia dahil hindi mauubusan ng bakuna ang Pilipinas.

“Inaasahan natin na kung dito po sila magma-manufacture, hinding-hindi tayo mauubusan ng bakuna na dito sa Pilipinas gawin,” ani Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?