146

Nov 2, 2020 @ 22:39
By

Duterte rumesbak sa mga naghahanap sa kanya noong bagyo

Hindi kailangang tumayo sa white sand sa Manila Bay para ipakita ang presensiya sa kasagsagan ng bagyong Rolly nitong weekend.

Ito ang sagot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kritiko na nagtatanong kung nasaan ito noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Sa ginanap na live cabinet meeting sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na kahit nasa Davao ito ay nagtatrabaho siya at pumipirma ng mga papeles at hindi nagre-relax lamang.

“The fact na wala ako dito sa tag-bagyo, do you want me to stand doon sa white sand ni Roy Cimatu just to show that I am here? ‘Yung nagsabi na wala ako dito kasi nasa probinsiya, so what’s your problem? Ang mga papeles pinadala doon tapos pirmahan ko ipadala ko uli,” anang Pangulo.

Kaya aniya nasa Davao City ito nitong Undas ay dahil may mga mahal sa buhay siyang dapat dalawin sa sementeryo na ginagawa nito taon-taon.

Tinawag ng Presidente na mga “ugok” ang nag-ingay sa social media na nag-hashtag pa ng #NasaanangPangulo dahil pati sa kasagsagan ng bagyo ay naghahanap ng maibubutas sa kanyang administrasyon.

“You know kung wala kayong patay, OK lang. Kaming mga may patay kailangang umuwi doon sa amin. Kaya nga ako nauwi, itong mga ugok naman sabihin wala ako. I was just waiting for the typhoon to pass then lumipad ako nagpunta ako kanina sa ano…,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?