Kapwa nabawasan ang approval at trust ratings nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa gitna ng coronavirus pandemic.
Nakakuha si Duterte ng 65% approval rating, na mababa mula sa kanyang 70% rating ng Disyembre 2020, batay sa first quarter poll ng PUBLiCUS Asia Inc.
Lumabas naman sa survey na 19% ang hindi aprub sa performance ng Pangulo.
Bumaba rin ang trust rating ni Pangulong Duterte sa 55% mula sa 62% rating niya ng Disyembre 2020 habang 22% ang hindi nagtitiwala sa kanya.
Samantala, nagtala ng 29% approval rating si Vice President Leni Robredo, na mababa rin kumpara sa 35% niyang approval rating ng Disyembre 2020.
Mayroon naman siyang 19% trust rating, na nabawasan mula sa 23% trust rating niya ng Disyembre 2020.
Nagrehistro naman siya ng 34% disapproval rating at 49% distrust rating.
Isinagawa ang survey noong Marso 20-29, 2021.