158

Apr 23, 2020 @ 12:26
By

Duterte posibleng may anunsyo ngayong araw

Posibleng magsalalita ngayong araw na ito si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko kaugnay sa usapin ng enhanced community quarantine na ipinaiiral sa buong Luzon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malalaman ang posisyon ng Pangulo sakaling matuloy ngayong araw na ito ang kanyang mensahe sa bayan.

Ayon kay senador Bong Go, ngayong Huwebes mag-aanunsiyo si Pangulong Duterte, subalit sinabi ni Roque na narinig niya mismo sa Pangulo na posibleng Miyerkules o sa a-trenta ng Abril ihahayag ang kanyang posisyon.

Isinaalang-alang aniya ng Pangulo ang kaligtasan ng mamamayan kaya hiniling nito ang pananaw ng mga eksperto.

“Yan po ang nabanggit ni Senator Bong Go. Kasi yung narinig ko sa bibig mismo ng Pangulo either kahapon or a trenta ng Abril, kasi nga depende kung ano ang posisyon niya. Ayaw kasi niyang biglang maglabasan sa mga tahanan ang taong bayan. Pero inaasahan din natin na baka may anunsiyo,” ani Roque.

Kasabay nito kinumpirma ng kalihim na pupulungin ngayong hapon ng Presidente ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para matalakay ang kanilang rekomendasyon sa gagawing desisyon kaugnay sa ECQ na nakatakdang magtapos sa April 30.

“Ang bibigyan ko lang ng kumpirmasyon ay yung ilang miyembro ng IATF ay makikipagpulong kay Presidente ngayong hapon po. Ang magiging desisyon ng Presidente ay ibabatay sa rekomendasyon ng IATF at lahat ng mga dalubhasa na kinunsulta ng Prsidente noong Lunes,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?