70

Dec 6, 2017 @ 10:36
By

Duterte, pinakikilos sa priest slay sa Nueva Ecija

Mariing kinokondena ng isang human rights advocates group ang karumal-dumal na pagpaslang sa retiradong pari na si Father Marcelito ‘Tito’ Paez ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija.

Umaapela si Nardy Sabino, ang secretary general ng Promotion of Church People’s Response o PCPR, kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos ang pagsasagawa ng puspusang imbestigasyos sa pananambang kay Father Tito upang mapanagot sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pagpatay sa pari.

Kaugnay nito ay hiniling ng PCPR kay Pangulong Duterte na itigil ang pag-aglahi sa mga progresibong indibiduwal na naglilingkod sa publiko, tuldukan na ang panggigipit o pamamaslang sa mga kagawad ng simbahan at nagsusulong ng karapatang pantao na naglalatag ng kanilang mga pananaw sa isyung panlipunan.

Si Father Tito ang Central Luzon Coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines o RMP at aktibong kasapi ng PCPR na nagsusulong ng liberal theology, isa sa mga lider ng Central Luzon Alliance for a Sovereign Philippines (CLASP) noong dekada 80, at sa matagumpay na kampanya upang mapatalsik ang US military bases sa bansa at tutol sa pagtatayo at operasyon ng Bataan Nuclear Power Plant.

Bago siya tambangan at mapaslang noong Disyembre 4, katatapos lamang na tulungan ni Father Tito ang pagpapalaya sa political detainee na si Rommel Tucay na nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology sa Cabanatuan City. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?