32

Oct 18, 2017 @ 13:14

Duterte, peke ang malasakit sa mahihirap — Gabriela solon

Peke umano ang malasakit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahihirap at nag-aahente sa mga Ayala at iba pang malalaking negosyo sa bansa.

Ito ang naging patutsada ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus, kung kaya ipinipilit ang public utility vehicle (PUV) modernization program kahit inaayawan ng mga tsuper.

“Nag-aahente ang rehimeng ito sa mga Ayala at iba pang malalaking negosyo na makikinabang sa mapanlinlang na modernisasyon,” saad ni De Jesus.

Sinabi pa ng solon, lumabas na ang tunay na kulay ni Pangulong Rodrigo Duterte na peke ang malasakit sa mahihirap.

“Inilaglag ni Pangulong Duterte ang kanyang sarili mismo. Pati ‘yung ibinibida niyang malasakit sa mahihirap, fake rin pala,” sabi ni De Jesus.

Katunayan aniya dito ang pagbabanta ng Pangulo sa mga tsuper na magmamatigas o hindi susunod sa modernisasyon at pinagsabihan pang bahalang maghirap at magutom.

Sabi ng kongresista, binabraso ng administrasyon ang mga jeepney driver para maipilit ang PUV modernization program.

“This is not political will. This is the state policing the poor to submit to the corporatization scheme of public transport in the name of profits,” ayon pa kay De Jesus. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?