64

Jan 1, 2020 @ 14:40
By

Duterte pasaklolo sa DILG para pondohan ang mga winasak ng lindol sa Mindanao

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Eduardo Año na maglaan ng pondo para sa pagkumpuni at muling pagpapatayo ng mga gusali ng gobyerno na winasak ng magkasunod na lindol sa Mindanao.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo matapos bisitahin noong December 30, 2019 ang North Cotabato na isa sa mga malubhang napinsala ng lindol.

“Ed, tulungan mo yung mga barangay at munisipyo na tinamaan,” anang Pangulo kay Año.

Batay sa report ni Mindanao Development Authority (MinDA) Chairman Manny Piñol sa Pangulo, bukod sa mga sibilyang nawalan at nasira ang mga bahay, mas malaki ang pinsalang tinamo ng local government units.

Limang mga bayan sa North Cotabato ang nag-abandona na ng kanilang munisipyo dahil nawasak ang mga ito at nag-oopisina ngayon sa mga tent dahil sa malaking tinamong pinsala.

Kabilang sa mga matinding napinsala sa malalakas na lindol ay barangay halls, day care centers, health centers, istasyon ng bumbero at police stations, pati na mga palengke.

Positibo namang tinugon ni secretary Año ang utos ni Pangulong Duterte at nangakong tutugunan ang kahilingang tulong pinansiyal ng LGUs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?