165

Dec 8, 2020 @ 15:21
By

Duterte: Paputok bawal na simula 2021

Ipagbabawal na ng tuluyan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon ang paggamit ng paputok.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang regular na mensahe sa bayan na mag-iisyu siya ng direktiba sa kalagitnaan ng 2021 para sa tuluyang pagbabawal sa paggamit ng paputok.

Aasahan aniya na sa susunod na Pasko ay wala ng maaaring gumamit ng paputok sa bansa dahil mapanganib ito lalo na sa kalusugan.

“I am putting you a warning na baka by mid-year, I will issue the necessary document banning totally paputok. Baka next December i-bawal ko na ang paputok because it is really a dangerous thing and for reason of public safety and health,” anang Pangulo.

Ginawang halimbawa ni Pangulong Duterte ang Davao City na may total ban sa paputok kaya masayang ipinagdiriwang ng mga pamilya ang masaya at tahimik na pasko at bagong taon ng walang nasasaktan, nasusugatan at namamatay.

Maari aniyang ipagdiwang ang holiday season na musika ang gamitin ay hindi ingay ng mga mapanganib na paputok. (Aileen Taliping)#

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?