108

Mar 18, 2021 @ 19:59
By

Duterte pagod na, hindi na tatakbo sa 2022

Tinuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga haka-haka sa posibilidad na maging ka-tandem siya ni Senador Bong Go sa 2022 elections.

Sa kanyang talumpati sa joint National Task Force meeting to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Tacloban City nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na ayaw na niyang tumakbo pa sa politika.

Pagod na aniya ito at mamili na lamang sila kung sino ang pupuwedeng eendorso ng administrasyon sa 2022.

Sa kanyang talumpati ay inihayag ng Pangulo na mga militar at heneral ang nangangasiwa sa pabahay at iba pang programa para sa pagbabalik-loob ng mga rebelde sa gobyerno, at ikinabit si Go sa pinapalutang na posibleng presidentiable.

“Andito si General del Rosario sa Human Settlements. Puro general ito. Si Bong lang ang Presidente, eh… ayaw mo Bong? Eh di mamili tayo kasi ayaw ko rin. Ayaw ko, pagod na ako,” anang Pangulo.

Matatandaang lumabas sa survey ang malakas na tandem ng Go-Duterte sa 2022 polls kung saan si Senador Go ang posibleng maging pambato ng ruling party na PDP-Laban habang bise presidente naman nito si Pangulong Duterte.

Gayunman, tutol ang ibang opisyal ng PDP Laban gaya ni Senador Manny Pacquiao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?