49

Jan 15, 2020 @ 17:43
By

Duterte, pabor na ideklarang ‘no man’s land’ ang Taal Volcano Island

Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na pabor si Pangulong Rodrigo Duterte na maideklara ang Taal Volcano Island bilang “no man’s land”.

Gayunman, ipinaliwanag ng kalihim na bagama’t aprubado na ito ng Pangulo ay uunti-untiin lamang ang implementasyon nito hanggang sa tuluyang maihanda na ang relokasyon sa mga naninirahan doon.

Nauna rito, nang bumisita si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isa sa mga evacuation center sa Batangas City ay iminungkahi nitong ideklara nang “no man’s island” ang isla ng Taal Volcano.

Nangangahulugan itong wala nang papayagan pang manirahan sa naturang lugar at hindi na rin papayagan ang mga taong inilikas na bumalik pa sa isla dahil sa posibilidad na mamatay silang lahat kung magkakaroon ng panibago at mas malakas na pagsabog ng bulkan.

“Yes, it was approved by PRRD but it would be gradual until relocation for settlers is prepared,” kumpirmasyon naman ni Año.

Kasabay nito, muli rin namang ipinaalala ni Año na ang Taal Volcano Island na matatagpuan sa gitna ng Taal Lake ay nananatiling ‘strictly off limits’ sa sinuman.

Inatasan na rin niya ang Philippine National Police (PNP) na pigilan at hadlangan ang sinumang residente na nais na bumalik sa isla upang kuhanin ang mga naiwanan nilang gamit o tangkaing magligtas ng kanilang mga naiwanang alagang hayop.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?