71

Mar 9, 2019 @ 14:49
By

Duterte: NPA, 53 taon nang niloloko ni Sison

Matagal na umanong niloloko ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison ang New People’s Army (NPA).

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Sagay City, Negros Occidental matapos mamahagi ng titulo ng lupa sa mga magsasakang walang sariling lupa, Biyernes ng gabi.

Ayon sa Pangulo, pinapaniwala ni Sison ang mga NPA na magkakaroon ng sariling lupa pero sa maling paraan kaya malakas ang loob ng mga rebelde na mang-agaw ng lupa at pumapatay.

Limampu’t tatlong taon aniyang pinaasa ni Sison ang mga kapanalig pero hindi nito naibigay ang pangakong sariling lupa dahil kahit isang barangay ay walang nakuha ang mga ito.

“For fifty three years you were fooled by just one person. Fifty three years of killings. To this day, they haven’t even been able to successfuly hold a single barangay. And when they arrive, they wreak havoc and fight over which land they want to occupy,” anang Pangulo.

Kasabay nito tinawag ng Presidente na duwag at komunista si dating Agrarian Reform Sectetary Rafael Mariano dahil isinubo nito ang mga magsasaka sa kamatayan noong 2016 sa Kidapawan, North Cotabato.

Kasama ring binanatan ni Pangulong Duterte sina dating Department of Social Welfare and Development secretary Judy Taguiwalo at dating National Anti-Poverty Commission chairperson Liza Maza na aniya ay pawang mga komunista at sinayang ang pagkakataong ibinigay sa mga ito sa gobyerno.

“Mariano is a coward, he’s a communist. Taguiwalo is also a communist, as well as Liza Maza. But I placed them in government with the hopes that we will be able to reach a common understanding,” dagdag pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?