83

Dec 27, 2017 @ 15:59
By

Duterte naunsiyami ang pagbisita sa Marawi City

Hindi natuloy ang ikapito sanang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City makaraang makansela dahil sa masamang panahon.

Ito ay kahit nakalabas na sa bansa ang bagyong Vinta na nanalasa ng husto sa ilang lugar sa Mindanao.

Pangungunahan sana ng Pangulo ang turn-over ng temporary shelter o pansamantalang pabahay para sa mga pamilyang naapektuhan ng limang buwang bakbakan sa lungsod.

Bahagi ito ng pagsisikap ng gobyerno na maibangon at maibalik muli sa normal na pamumuhay ang mga residente ng Marawi City.

Limang daang transitional shelters ang nakatakdang i-turn over sa mga internally displaced persons (IDPs) sa barangay Sagonsongan.

Target ng pamahalaan na makumpleto ang 1,170 housing units sa unang quarter ng 2018 para sa mga naapektuhang pamilya ng Marawi siege.

Nauna ng dumating sa Marawi City ang ilang miyembro ng gabinete kabilang si Presidential Spokesman Harry Roque.

Huling bumisita si Pangulong Duterte sa Marawi nuong Oktubre matapos pangunahan ang turnover ceremony ng may limampung temporary shelter para sa may 50 mga pamilya na nakatirik sa Barangay Bito, Buadi Itowa, Marawi City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?