132

Dec 13, 2017 @ 10:35
By

Duterte, natatakot na makarating sa Metro Manila ang terorismo

Sa kabila ng pagiging matapang at matigas, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon din itong kinatatakutan pagdating sa usapin ng terorismo.

Sa kanyang mensahe sa Christmas party ng Malacañang Press Corps (MPC), sinabi ng Pangulo na katulad din siya ng ordinaryong tao na natatakot sa posibilidad na makarating sa Metro Manila ang pag-atake ng mga terorista.

“Ang takot ako sa …if they will bring it here, we are in deep shit. Kita mo nga sa news, if you explode one truck of TMG (?) It will flatten the whole barangay. That we have to really prepare,” ang pahayag ng Pangulo.

Isa aniyang potensiyal na target ang airports at kapag nangyari ito sa Metro Manila ay posibleng lulubog ang bansa.

Iba aniya ang sitwasyon sa Davao City dahil sanay na sila sa mga ganitong insidente at palaging nakahanda ang mga otoridad.

“Sabi ko kay Presidente Arroyo, ‘ma’am ayoko nang pumunta diyan sa airport’, everytime I…pinapawisan ang kamay ko, I get nervous, talagang takot just like an ordinary mortal, scares me to my wits to just think about it. So ‘yan ang… diyan ako takot. Let’s put to notice that we are not over the hump. Marawi is just a signal… one plus one, but Mindanao is really… Sulu, some other places, Cotabato, Sulu you watch out for that,” ang dagdag na pahayag ng Presidente.

Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte na ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ang mga hindi inaasahang pangyayari sa pamamagitan ng pagpapalakas sa militar at pulisya para mahadlangan ang anumang banta ng terorismo.

Bukod sa mga sundalo at pulis, pinaghahanda rin ng Pangulo ang MPC at iba pang miyembro ng media dahil baka ang susunod na coverages ay sa Mindanao, partikular sa Cotabato o Maguindanao na posibleng isunod na targetin ng mga terorista.

Pero sa kabila ng mga banta ng terorismo, tiniyak ni Pangulong Duterte na ginagawa niya ang lahat para mapigilan ang karahasan at paglaganap ng terorismo sa bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?