750

Nov 8, 2017 @ 18:35
By

Duterte napikon kay Santiago kaya sinibak

Nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit nito sinibak sa puwesto si retired General Dionisio Santiago bilang Chairman ng Dangerous Drugs Board o DDB.

Sinabi kahapon ng Pangulo bago umalis patungong Da Nang City, Vietnam na na-offend siya sa mga naging pahayag ni Santiago sa ipinatayong Mega Drug Rehabilitation Facility sa Nueva Ecija.

Nagbitaw aniya si Santiago ng salita sa media laban sa drug rehab sa halip na gawin ang trabaho kung paano malutas ang problema ng illegal na droga sa bansa.

“He came up with a very incoungrous statement that I was offended. He could have asked me for an audience and then tell me all about it. Kaya kita nilagay diyan not to issue statements to the press. Nilagay kita diyan para magpunta ka sa akin kung anong problema sa bayan natin at turuan mo ako kung nagkulang ako kung anong dapat kong gawin,” ang pahayag ng Pangulo.

Sa halip aniya na sabihing nagsayang lang ng pera sa ipinatayong rehabilitation center, sinabi ng Presidente na sana ay kumilos na lang si Santiago kung paano maayos ang problema.

Kung may naisip aniya si Santiago na solusyon sa problema sa illegal na droga ay sana ginawa na niya ito noong siya ang Hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ng Arroyo administration.

Ang pagsibak kay Santiago ay iniutos ni Pangulong Duterte kay Executive Secretary Salvador Medialdea.

Inihayag naman ni Santiago na hindi nito inasahan ang ganitong paraan ng pagpapaalis sa kanya sa gobyerno. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?