By

Duterte napakanta dahil sa kantiyaw ni Trump

Sharing is caring!

Tinanggap ni Pangulong Duterte sa bansa ang mga lider ng bansa na dadalo sa ika-31 Association of Southeast Asian (ASEAN) Summit at mga ASEAN-related summit.

Sinalubong ang mga ito ni Pangulong Duterte, kasama ng partner na si Honeylet Avancena, ng magarbong gala dinner kung saan hinainan ang mga bisita ng mga pagkain, sayaw at awiting Pilipino.

Napakanta pa si Pangulong Duterte ng “Ikaw” kahit hindi planong sumabay sa batikang mang-aawit na si Pilita Corales dahil sa hirit ni US President Donald Trump.

“Ladies and gentlemen, I sang an invited duet with Ms. Pilita Corrales upon the orders of the Commander-in-chief of the United States,” pahayag ni Duterte na pinalakpakan naman ni Trump matapos kumanta.

Dumalo sa gala dinner sina Cambodian Prime Minister Hun Sen, Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi, Lao People’s Democratic Republic Prime Minister Thoughloun Sisoulith, Indonesian President Joko Widodo, Malayasian Prime Minister Najib Razak, Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, Thai Prime Minister General Prayut Chan-o-cha, Sultan of Brunei Hassanal Bolkiah, Vietnam’s Prime Minister Nguyen Xuan Phu, US President Donald Trump, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, New Zealand Prime Minister Jacinda Adern, Russian Prime Minister Dmitry Medvedev, Chinese Premier Li Keqiang, at UN Secretary General Antonio Guterres.

Ginanap ang gala dinner sa SMX Convention kung saan dumalo rin ang mga opisyal ng gobyerno at mga bisita mula sa iba’t ibang bansa na aabot sa 1,300.

Hinainan ang mga panauhin ng hapunan na Ensaladang Ubod at Alugbati (with tamarind vinaigrette dressing; Sinigang na Maya-Maya sa Miso; Bistek Sushi o kaya ay Filipino steak sushi, at Charcoal-Grilled Apahap Fillet na mayroong tomato-mango sambal at Budin (caramel flan).

Habang kumakain, inaliw sila ng mga kantahan at sayawan na angkop sa nagdaang 50 taong samahan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Samantala, umapaw naman ang pagkain para sa local at foreign media sa International Media Center sa World Trade Center.

Mahigit sa 2,500 ang mga mamamahayag na nagpa-accredit kaya ito ang pinaghandaan ng National Organizing Committee pero halos hindi umabot sa kalahati nito ang dumating kaya sobra-sobra ang pagkain at ang mga pasilidad na inihanda para sa media. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?