105

Mar 4, 2021 @ 15:04

Duterte napaka-plastik sa mensahe sa Women’s Month – Brosas

Isang kaplastikan umano ang pagbibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mensahe para sa Buwan ng Kababaihan.

Sa isang press briefing ngayong Huwebes, sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na hindi nito alam kung papaano nasisikmura ni Duterte na maglabas ng mga pahayag pabor sa mga kababaihan sa kabila ng ginagawa nito sa kanilang hanay.

“Napaka-plastik naman nung ganong pahayag. Paano naman nasisikmura na bigkasin ang mga salitang women empowerment gayong unang una pinapa-disqualify ang Gabriela Women’s Party, ang nag-iisang party-list representative ng kababaihan sa buong mundo, hindi lang dito sa Pilipinas,” ani Brosas.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na sinusuportahan nito ang mga adbokasiya para sa pagganda ng kalagayan ng mga kababaihan.

“Napakaraming women human rights advocates ang ni-red tag, pinakulong, ginipit at pinatay sa ilalim ng Duterte administration kaya hindi namin ma-atim ang isang minutoniyang talumpati para sa buwan ng kababaihan na puro kasinungalingan at pambobola,” wika pa ni Brosas.

Ang Gabriela ay pinapa-diskuwalipika ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) sa Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagtanggap umano ng pondo mula sa ibang bansa at paggawa ng karahasan.

Sinabi ni Brosas na dapat tigilan ng Pangulo ang panloloko sa publiko at sabihin nito ang totoong kalagayan ng mga kababaihan.

“Si President Duterte hindi siya dapat nanloloko ng ating mga mamamayan dapat maging totoo siya kung ano talaga ang tunay na kalagayan ng ating mga kababaihan at mamamayan sa kasalukuyan,” dagdag pa ng mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?