3,299

Jul 27, 2018 @ 16:15
By

Duterte nakatanggap ng death threat

Ibinunyag ng pangunahing aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na may banta sa buhay ng punong ehekutibo bago pa man ito nagtungo sa Ipil, Zamboanga Sibugay kahapon.

Pero hindi nagpapigil ang Pangulo sa kabila ng natanggap na death threat, bagkus ay tumuloy ito at nakibahagi sa Araw ng Ipil.

Sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na nakasakay na sila sa helicopter nang sabihin ng Presidente ang natanggap na banta sa kanyang buhay.

Pero hindi aniya natinag si Pangulong Duterte dahil handa aniya itong mamatay kung panahon na nito.

“Actually nu’ng patungo kami dun natanggap din namin talaga ‘yung threat report ‘no. Alam n’yo naman ang Pangulo hindi ‘yan takot mamatay. Sabi niya, siya’y easy, easy. Sabi niya ‘just make my day extra special.’ Sabi niya ‘go ahead, make my day’,” ani Go.

“Sinabi niya sa akin nasa helicopter pa kami. Sige, subukan nila. Anong sabi niya, handa rin naman daw siya. Alam n’yo ang Pangulo pag pinasok niya ‘yang trabaho na ‘yan, handa ‘yang mamatay. Ibig kong sabihin, kung takot ka mamatay, huwag kang tumakbo, huwag kang mamuno sa bansa. Alam natin ‘yung Pangulo napakatapang niyan at handa niyang harapin kahit sino,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ng kanang kamay ng Pangulo na marami ang hindi sumasang-ayon sa mga ginagawang pagbabago sa bansa at nananakot pero hindi aniya nagpasindak si Pangulong Duterte.

Sinabi pa ni Go na halos sa lahat ng pinupuntahan nila ng Presidente ay mayroong mga nagbabanta sa kanyang buhay pero hindi natakot ang Pangulo at palaging katwiran nito ay kung panahon na niya ay handa na kaya dapat tutok lamang sa kanyang trabaho. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?