18

Jul 21, 2021 @ 15:51
By

Duterte nagpractice na para sa SONA

Sinimulan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehearsal para sa kanyang nakatakdang huling State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 26.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ito ang unang rehearsal ng pangulo na inaasahang masusundan pa hanggang sa kanyang nakatakdang SONA.

Ayon kay Roque, halos matapos na rin ang pagbalangkas sa magiging laman ng talumpati ng pangulo na inaasahang maglalaman ng mahahalagang mga isyu.

“May rehearsal po si presidente ngayon para sa SONA. Ito po yung kauna-unahang rehearsal niya. Nasa pinal na po ang kanyang talumpati at based on past SONA, ayaw ni presidente na binabago-bago yung kanyang speech,”ani Roque.

Kabilang aniya sa inaasahang sasabihin ni Pangulong Duterte sa kanyang huling SONA ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na limang taon at kung ano pa ang aasahan ng mga Pilipino bago siya bumaba sa puwesto.

“In the end, siya mismo ang nag-eedit as he rehearses. Ang alam ko po ang magiging porma ng kanyang SONA ay titingnan po niya yung mga nakalipas na limang taon na siya ay naging presidente at popokus siya siyempre sa pag-unlad ng bayan, doon sa social programs, infrastructure, peace and security, foreign policy,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na inaasahang ilalahad ng presidente sa kanyang talumpati ang mga aasahan ng sambayanan sa kanyang natitirang panahon ng termino.

“Sasagutin niya yung tanong na what and where we are now and looking forward doon sa huling taon ng panunungkulan ng ating presidente,” wika ng kalihim.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?