12

Feb 9, 2021 @ 19:51
By

Duterte nagpasalamat sa Kongreso sa ‘Bayanihan 3’

Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso dahil sa pagsuporta sa mga ginagawa ng gobyerno sa pamamagitan ng Bayanihan 3 para makabangon sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, ipinaabot ng Pangulo ang pasasalamat sa mga mambabatas dahil nakita nila ang pangangailangang makabawi at makabangon ang gobyerno mula sa epekto ng COVID pandemic.

“I would like to thank the Congress for understanding us and giving us the support — the critical support that we badly need to discharge our duties,” anang Pangulo.

Sa ilalim ng Bayanihan 3, maglalaan ang mga mambabatas ng P420 bilyong pondo para maalalayan ang ekonomiya ng bansa na makarekober mula sa epekto ng pandemya.

Nagpasalamat din si vaccine czar Carlito Galvez sa Kongreso sa pagsusulong ng Bayanihan 3 kung saan nakapaloob dito ang mga mahahalagang batas para mapabilis ang pagpasok ng COVID vaccine sa bansa.

Kabilang sa masasaklaw ng Bayanihan 3 ay ang mga batas patungkol sa Indemnification Fund, Tax-Free Importation at Customs Duties na magpapabilis sa proseso ng pagpasok sa bansa ng mga bakuna.

“Para po mabilis yung pag-transport po ng ating vaccine from the airport na wala na po talagang Customs inspection,” ani Galvez.

Ang Bayanihan 3 ay isinalang ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Kamara nitong nakalipas na Linggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?