9

May 4, 2021 @ 10:09
By

Duterte nagpasalamat kay Putin sa Sputnik V

Personal na ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasasalamat kay Russian President Vladimir Putin dahil sa suporta sa mga Pilipino.

Sa kanyang regular Talk to the People, binanggit ng Pangulo si President Putin kaugnay sa pagdating ng paunang 15,000 dose ng Sputnik V vaccine sa Pilipinas.

“Let me thank the Russian people, the government and President Putin for their kindhearted support for the Filipinos,” anang Pangulo.

Inaasahang darating sa bansa sa susunod na mga araw ang mas maraming supply ng Gamaleya para sa Sputnik V, ayon sa report ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez sa Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kaya siya may regular na Talk to the People ay upang ipaalam sa publiko ang mga ginagawa ng gobyerno sa pagtugon sa usapin ng COVID-19.

“We are here on a regular basis because we have to report to the people and I want it that way so as to educate my countrymen sa anong nangyayari — saan yong bakuna, saan yung pera, ilan ang dumating na bakuna, ilan na ba ang nagastos natin,” dagdag ng Pangulo.

Paraan na rin ito anang Presidente para sagutin ang mga batikos ng mga kritiko na sumasakay sa mga isyu para lamang makabatikos sa gobyerno.

” Lalo na ngayon na kanya-kanyang batikos to their advantage. Kung saan lang sila makapabor iyon ang gagamitin nila,” wika ng Pangulo.

Tiniyak ni Pangulong Duterte na nagtatrabaho ang gobyerno ng tapat upang makatulong at makakuha ng sapat na supply ng bakuna para mabakunahan ang mayorya ng mga Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?