11
duterte-xi1
By

Duterte nagpasalamat kay Jinping sa tulong sa Marawi crisis

Sharing is caring!

Personal na ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasasalamat kay Chinese President Xi Jinping sa tulong na ibinigay ng kanyang gobyerno noong kasagsagan ng giyera sa Marawi City .

Sa ginanap na bilateral meeting ng dalawang lider Martes ng gabi sa Hainan, China, ikinuwento ng Pangulo na ang isa sa sniper rifles na ibinigay ng China ang nakapatay sa Emir ng ISIS sa South East Asia na si Isnilon Hapilon.

Matatandaang sa kasagsagan ng giyera sa Marawi City ay dumating ang mga ibinigay na baril ng China sa Pilipinas, kabilang dito ang 100 sniper rifles at ginamit ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdurog sa mga Maute-ISIS na sumakop sa lungsod.

Sa ginanap na pag-uusap nina Pangulong Duterte at President Xi ay muling tiniyak ng Presidente ang commitment sa paglaban sa terorismo at trans-national crimes.

Welcome din aniya ang China para maging host ng 6th Annual Defense and Security Talks para sa mas maigting pang kooperasyon.

Sinamantala na rin ni Pangulong Duterte ang pagkakataon sa kanilang bilateral meeting para ipaabot ang pagbati nito at ng kanyang gabinete sa muling pagkapanalo ni President Xi bilang Pangulo ng Peoples Republic of China.

Bago matapos ang pulong ay nagpasalamat muli si Pangulong Duterte sa Chinese President dahil sa patuloy na magandang relasyon ng Pilipinas at China na aniya ay mas lalo pang nagpalalim sa kanilang pagkakaibigan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?