30

Oct 1, 2021 @ 11:29
By

Duterte nagpahiwatig ng pagbisita sa Amerika

Nagpahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Estados Unidos para personal na magpasalamat sa bakunang ibinigay ng gobyerno ng Amerika.

Sa kanyang Talk to the People, ibinalita ng Pangulo na muling nagbigay ng limang milyong doses ng COVID-vaccines ang Amerika para makatulong sa ginagawang vaccination rollout ng gobyerno laban sa COVID-19.

Posible aniyang magtungo ito sa Amerika para magpasalamat sa donasyong bakuna.

“Kasasabi lang ni Secretary Galvez pati Secretary Duque na ang Amerika nagbigay bago, 5 million? Ang bait ng Amerika. Baka pupunta ako doon just to thank the American government and the people. Ano bang itsura ng Amerika?” anang Pangulo.

Matatandaang makailang beses na inimbitahan si Pangulong Duterte para bumisita sa Amerika sa ilalim noon ni dating President Donald Trump subalit hindi ito tumugon sa imbitasyon dahil sa pagtutol ng ilang US senators na nagbantang mag-rally kapag dumating ito sa kanilang bansa.

Sinabi ng Pangulo na hindi siya aapak sa Amerika at ikinatwirang hindi niya kaya ang malamig na klima sa Estados Unidos.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?