259

Sep 8, 2021 @ 15:29
By

Duterte nag-sorry sa pagkamatay ng mga Chinese drug suspect

Humingi ng dispensa si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinapit na kamatayan ng apat na Chinese drug suspects sa matagumpay na anti-drug operations sa Zambales at Bataan.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na may mga batas na dapat sundin sa Pilipinas kaya dapat maintindihan ito ng mga bansang pinagmulan ng mga suspek.

“I’m sorry for the loss of lives. Hindi natin ginusto ‘yan. But I just hope that the countries from where these guys come from should understand that we have laws to follow,” anang Pangulo.

Ang apat na napatay sa drug operations ay mga Chinese national na isa sa mga ito, ayon sa Presidente, ay pinakamalaking shabu importer sa Pilipinas.

Kinilala ng Pangulo ang napatay na drug suspect na si Youhua Xu, miyembro umano ng transnational drug trafficking organization.

Ang mga napatay na suspek, ayon pa kay Pangulong Duterte, ay isang malaking sindikato na nag-o-operate sa Southeast Asia at posibleng may koneksiyon sa drug cartel sa Mexico.

Nasamsam sa operasyon ang 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon sa Zambales at sa follow-up operations sa Bataan ay nakakuha ang mga awtoridad ng 80 kilo ng shabu na may halagang P544 milyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?