73

Dec 8, 2017 @ 12:36
By

Duterte, nag-Santa Claus sa mga sinalubong na OFWs

Namudmod ng pamasko si Pangulong Rodrigo Duterte at nagmistulang Santa Claus sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na personal na sinalubong sa Clark International Airport noong Huwebes ng gabi.

Sa kanyang talumpati , pinasalamatan ng Pangulo ang may 200 OFWs na umuwi mula sa Qatar sa naging kontribusyon ng mga ito para lalong lumakas ang ekonomiya ng bansa mula sa kanilang pawis at sakripisyo.

“I represent the Filipino nation in thanking you for your sacrifice and for helping us keeping the gross domestic product. Malaking share ‘yan.

Gross domestic product is simply income,” ang pahayag ng Pangulo.

Pinasaya ng Pangulo ang mga umuwing OFW matapos handugan ng pamasko at cash at token sa isang maiksing programa.

Nabiyayaan sa “Pamaskong Salubong Para sa OFWs” ang 34 OFWs mula sa Qatar, walo sa mga ito ang nanalo sa pa-raffle at tumanggap ng P50,000; walo ang nakakuha ng P10,000 halaga ng appliance showcase; lima ang nanalo ng P3,000 halaga ng appliance showcase at 11 OFWs ang nabigyan ng special tokens.

Inalok din ni Pangulong Duterte ang mga OFW ng tulong para sa mga gustong magsimula ng negosyo sa tulong ng Department of Trade and Industry.

Inimbitahan din ng Presidente ang mga umuwing OFW para sa isang simpleng salu-salo sa Malacañang para mapag-usapan ang mga programa at negosyong maaaring pagsimulan ng mga ito. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?