duterte7
By

Duterte nag-iingat sa isyu ng WPS; ayaw makipaggiyera

Sharing is caring!

Iniiwasang magpadalos-dalos sa sensitibong isyu sa West Phililppine Sea (WPS) si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa harap na rin ito ng mainit na isyu ng paglalagay umano ng China ng bomber planes sa mga islang pinag-aagawan sa WPS.

Sa kanyang talumpati sa ika-120 anibersaryo ng Philippine Navy, sinabi ng Pangulo na nahahati ang kanyang posisyon sa hangaring ipagtanggol ang karapatan sa mga pinag-aagawang teritoryo subalit hindi kikakailangang gumawa ng hakbang na makakasira sa bansa.

Hindi aniya ito ang panahon para makipaggiyera dahil kung ipipilit ay tiyak na hindi mananalo sa China at magreresulta lamang ito sa matinding pinsala sa bansa at sa Armed Forces.

“I cannot afford at this time to go to war. I cannot go into a battle which I cannot win and would only result in the destruction and probably a lot of losses for our Armed Forces,” paliwanag ng Pangulo.

“Ako gusto ko. I really want to do something to assert. But you know when I assumed the presidency, there was already this ruckus in the West Philippine Sea. In my simple calculation in every common sense that is available to me, I would have taken a stronger but probably a more violent way of doing it, but it would be a great loss to the nation and probably end up losing a war,” sabi pa ni Pangulong Duterte.

Tanggapin man o hindi ay ito aniya ang reyalidad at hindi niya kayang isakripisyo ang mga Filipino pero nilinaw niya na wala itong isusuko sa China.

Hindi aniya maaaring magtiwala sa iisang bansa na magtatanggol sa Pilipinas kapag iginiit ang karapatan sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Sinabi pa ng Pangulo na mayroon nang malungkot na karanasan ang gobyerno sa giyera sa Marawi City at hindi na niya nanaising maulit pa ang malungkot na sinapit ng mga taga-Marawi at mga sundalo, lalo pa kung China ang babanggain para makipaggiyera.

Matatandaang binabatikos ng mga kritiko ang gobyerno dahil sa pananahimik umano at walang ginagawang aksiyon para sitahin ang China sa pag-deploy ng bomb planes sa mga itinayong istruktura sa WPS.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?