107

Mar 5, 2020 @ 21:57
By

Duterte, MVP nagkita sa Navotas

Taliwas sa inaasahan, walang naganap na sampalan sa naging pagkikita nina Pangulong Rodrigo Duterte at negosyanteng si Manny V. Pangilinan sa final inspection ng North Luzon Expressway Harbor Link Project sa Navotas.

Kasama si Pangilinan sa mga dumalo sa final inspection bilang chairman ng Metro Pacific Investment Corporation na isa sa mga kasali sa nabanggit na proyekto.

Bago magtalumpati ang Pangulo ay bahagyang nag-usap sila ni Pangilinan subalit tila asiwa ang negosyante sa pagsagot habang nakahalukipkip at pormal naman ang mukha ng Presidente.

Matatandaang panay-panay ang banat ni Pangulong Duterte kina Pangilinan at mga Ayala dahil sa nabukong kuwestiyonableng kontrata ng mga ito sa gobyerno bilang water concessionaire at nagbanta pang huwag magkamaling magkita ang mga ito dahil makakatikim aniya ang mga ito sa kanya.

Sa simula ng kanyang talumpati, hindi binanggit ng Pangulo ang pangalan ni Pangilinan sa mga binati nitong mga panauhing dumalo sa aktibidad.

Sinabi ng Pangulo na inaasahang mababawasan ang oras sa biyahe ng mga motorista mula sa dating isang oras na inaasahang magiging sampung minuto na lamang sa sandaling mabuksan na ang proyekto.

Sinabi ng Presidente na maituturing na panibagong milestone sa ilalim ng kanyang administrasyon ang Harbor Link project sa sandaling mabuksan ito sa susunod na mga araw.

Tinatayang 30,000 mga sasakyan aniya ang mababawas na sasakyan sa EDSA at makakapagpaluwag sa problema sa traffic kapag nabuksan na ang Harbor Link Project.

“Expected to benefit more than 30,000 motorists per day, this will decongest Metro Manila by providing direct access to NLEX without the need to pass through EDSA or the Balintawak Toll Plaza.This will improve the movement of cargo between the Port Area and NLEX by shortening the travel time from the usual one hour to 10 minutes. Wow,” anang Pangulo.

Inaasahan din aniyang mababawasan ang mga aksidente sa kalsada dahil mas pinaganda ang traffic management control sa proyekto.

Pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Department of Public Works and Highways, Departmernt of Transportation, ang North Luzon Expressway dahil sa mabilis na pagtatapos ng proyekto.

Hiniling naman ng Presidente sa publiko na gawin ang kanilang papel para sa pagbangon ng bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?