27

Aug 26, 2021 @ 17:07
By

Duterte muling haharap sa publiko ngayong Huwebes

Magkakaroon muli ng Talk to the People si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na magpupulong muna ang Inter-Agency Task Force (IATF) para talakayin ang magiging rekomendasyon sa quarantine classifications para sa buwan ng Setyembre bago ito isumite sa Pangulo.

Inaasahang ilalatag ng IATF sa Pangulo ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa kung saan mataas pa rin dahil sa Delta COVID variant.

“Kasama na po diyan ang preliminary report para sa community classifications — quarantine classifications,” ani Roque.

Hindi pa masabi ng kalihim kung ibababa ang mahigpit na classification pagkatapos ng August 31 dahil pag-aaralan pa ito ng mga eksperto at IATF.

Bagama’t mataas aniya ang COVID cases, sinabi ni Roque na hindi pa napupuno ang mga ospital dahil marami na ang nabakunahan sa Metro Manila at ilang panig ng bansa, at ang mga nagkakasakit ay hindi na nagiging grabe ang tama dahil sa COVID-19.

“To the credit of Metro Manila residents na halos kalahati na ang bakunado, ito po siguro ang dahilan kung bakit hindi pa na-overwhelm ang ating healthcare system bagama’t napakadami na talagang mga bagong kaso na nade-develop,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?