6

Aug 18, 2020 @ 16:42

Duterte: Mga human rights defender dapat magtrabaho sa mga punerarya

Muling tinira ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga human rights group dahil ang pinagtatanggol lang daw ng mga ito ay karapatan ng mga kriminal at hindi ng mga biktima.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, masyadong mababaw daw ang adbokasiya ng nabanggit na grupo dahil ang tinitingnan lang ay ang pabor sa mga kriminal, pero hindi ang karapatan ng mga biktima na napapatay dahil sa epekto ng iligal na droga sa bansa.

Kung ang binibilang aniya ng Human Rights Groups ay ang mga napatay sa umano’y extrajudicial killings, mas mabuting sa punerarya na lamang magtrabaho ang mga ito.

“Napakatorpe naman nitong human rights. Ano ang ano ninyo? Magbilang lang ng patay? Di maglipat kayo ng trabaho, huwag sa human rights. Punerarya kung yan lang man ang trabaho nyo,” anang Pangulo.

Dapat aniya ang ginagawa ng Human Rights groups ay balaan ang publiko sa posibilidad na mapatay o makatay kapag gumamit at malulong sa illegal na droga.

Sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang nakitang ginawa ng Human Rights groups para man lang tulungan ang mga biktima gaya ng ang batang tinusok ng kahoy ang puwet hanggang bunganga ng isang durugista.

“Ano ang gawain natin sa namatay? Iyong mga bata na tinusok ng kahoy galing puwet hanggang bunganga? Mas gusto nyo yan kaysa itong mga animal na ito?” dagdag ng Pangulo.

Kung nakakatulong aniya ang pag-iingay ng mga alagad ng Simbahan at ang pagdarasal , bakit hanggang ngayon ay marami pa ring droga sa bansa, at patuloy ang paghahasik ng karahasan ng mga kriminal. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?